By: Elynne Bernice Del Rosario
Noong nakaraang mga araw bago ang eleksyon mismo, mangilang beses ako nagtatanong sa inay ko at sa mga tita ko at ilang pinsan na boboto kung sinu-sino iboboto nila, particular na sa president. Tuwing tatanungin ko, ang sagot nila parati ay, “’Di ko pa alam eh. Iniisip ko pa kung si Noynoy o si Gibo.” Kaya ang naisip ko lang, hindi pa talaga sila sigurado sa desisyon nila. Kaya hindi ko rin naman pinipilit.
Noong dumating na ang araw, nagtanong muli ako, sa pag-isip na siguro naman ay sigurado na sila. Ngunit, kung kalian araw na ng eleksyon, saka nila hindi sasagutin ang tanung ko. Umalis nalang sila ng sabay sabay at tumungo na sa pinakamalapit na pampublikong paaralan kung saan ginanap ang botohan.
Sapagkat makabagong panahon na ang kinakaharap natin ngayon, ang Eleksyon 2010 ay ang pinakaunang eleksyon sa kasaysayan ng Pilipinas na “automated,” o paggamit ng mga “computer-generated” na mga makina para mapabilis ang pagbilang sa mga boto. Dahil sa laki ng populasyon ng bawat lalawigan at siyudad sa Pilipinas, tuwang tuwa naman ang lahat ng malamang ganitong sistema ang susundan sa pagboto, at pabor naman sila kung titignan. Kahit na strkto ang pagsunod sa mga panuto sa paggamit ng kagamitan pang-eleksyon, madali naman na tinuruan at sinunod ng taong-bayan ang mga ito. Kaya sa huli, bagamat maraming problema ang umusbong, natapos ang Eleksyon 2010.
Dalawang linggo naghintay ang lahat para sa resulta ng botohan. Dalawang linggo sapagkat marami ring inayos na mga problema ang mga kinatawan sa pagbibilang ng mga boto. Kahit na “automated” ang botohan, may mga isyu ng pandaraya pa ring naganap na hindi maaaring palampasin at kailangang aksyunan kaagad. Pero sa huli, naging maayos ang lahat at natapos na rin ang bilangan.
Inabangan ng lahat ang resulta ng botohan. Sa mga balita sa telebisyon man o sa radyo, tutok na tutok talaga sila. Tuwing nakikita nila na nangunguna ang kanilang mga binoto, sila’y napapangiti at nagagalak.
At sa huling araw ng bilangan, nang inanunsyo na ang mga nanalo, sabay-sabay nagdiwang ang bawat Pilipino. Bawat isa sa kanila’y tuwang tuwa sapagkat naniniwala sila na ito ang simula ng pagbabago sa gobyerno ng Pilipinas dahil buo ang tiwala nila sa bagong nanalong presidente na si Benigno Aquino III. Para sa kanila, isa itong panahon ng muling pagbangon sa kahirapan at isang munting pag-asa upang makaangat sa ekonomiya at magbago ang pananaw sa buhay. Bagamat nadismaya ang karamihan dahil sa naging resulta, siguradong maiintindihan nila ito dahil naging patas naman ang botohan. Balang araw, matatanggap rin nila ito at patuloy sa pamumuhay. Kung sa bagay, kinabukasan din naman nila ang nakasalalay sa pagbabagong ito.
Lahat naman tayo ay naghahangad ng pagbabago sa ating bansa. Ang Eleksyon 2010 ay isa nang halimbawa ng malaking pagbabagong nangyari sa kasaysayan ng Pilipinas. Para sa atin, mahalaga na ang pangyayaring ito sapagkat noon pa natin hinahangad na magkaroon ng bagong tapat at mahusay na presidente. At ngayong nakamtan na natin ito, sana naman ay patuloy ang pagsunod at pasuporta natin sa bago nating presidente. Pahalagahan naman natin ang bawat bagay na ginagwa niya para sa atin. Sa bawat pagsubok na kanyang kinakaharap, sana naman ay tumulong na tayo at magkaisa para sabay-sabay natin harapin ang mga ito at pagtagumpayan ito. Huwag sana nating sayangin ang boto natin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento