Isinulat ni Amanda Alfonso
Galit na nga ata talaga ang Inang kalikasan sa atin dahil sa kapabayaan ng taong bayan. Halos buong Luzon ay nalubog sa baha, maraming tao ang nawalan ng tahanan at mga mahal sa buhay. Malaki na ang utang natin sa kalikasan. Kung hindi pa tayo kikilos, mas lalo tayong mag hihirap.
Setyembre 26, 2009 ang isa sa mga araw na talaga namang hindi makakalimutan sa kasaysayan ng Pilipinas, dahil ito ang isa sa mga pinaka masamang araw, pagkatapos na malubog ng halos lahat ng bahagi ng Metro Manila at Rizal sa baha. Ang bagyong Ondoy o Ketsana ay nag buhos ng tatlong daan, tatlumpu’t apat higit sa apat na daang millimeters na tubig ulan. Ito na ata ang pinaka mataas simula 1967.
Alas kwatro ng madaling araw nang magising ako sa lakas ng ulan at ihip ng hangin. Binuksan ng nanay ko ang telebisyon upang makinig ng balita. Laking tuwa ko dahil suspendido raw ang klase nung araw na yun. Bumalik ako sa kwarto at ako ay natulog ulit dahil alam ko namang pag gising ko ay matatapos na rin ang ulan, ngunit ako ay nagkamali. Nagising ako na malakas parin ang buhos ng ulan at hangin. Sumilip ako sa bintana namin upang tignan kung tumataas na ba ang tubig sa marikina river. Laking gulat ko nang makita ko ang tubig na halos kapantay na ng mga bahay. Ngayon lang ako nakakita ng ganung pangyayari. kinabahan ako at nalungkot dahil iniisip ko rin ang mga taong nakatira sa mga bahay na yun. Iniisip ko kung san na sila tumira, at kung may mga gamit ba silang nasagip.
Noong mga panahong iyon, nakakaawang isipin na maraming tao ang naghihirap at ako naman ay nakakakain pa at nakakapanood pa ng telebisyon. Naisip ko nalang na baka iyon na ang pahiwatig sa atin ng Inang kalikasan. Na dapat ay kumikilos na tayo para sa kabutihan ng mundo at hindi para sa kasamaan nito. Ang Ondoy na siguro ang magsisilbing “wake up call” hindi lang sa ating mga Pilipino, kundi na rin sa lahat ng tao, na dapat ay pangalagaan na natin ang kailkasan at bigyan ito ng importansya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento