ni: Jamie Reyes
Araw araw na lang palagi ko naririnig na may gulo sa Iraq, may away Sa Libya, at may problema sa Dubai. Wala nga akong naalala na gabi kung saan di binalita sa telebisyon ang tungkol sa mga kaganapan sa gitnang silangan. Palagi na lang nagkakagulo dun. Noong isang araw nga, may binalita na may mga kapwa Pilipino akong naipit sa gulo sa Libya. Bakit kaya? Hindi naman sila taga roon. Kung bakit naman kasi ang dami daming Pilipino ang nagtratrabaho roon.
May kaibigan ako na nagsabi na sa pagtatapos niya sa kolehiyo, gusto niya na makapunta sa ibang bansa. Gusto niya magtrabaho, makapag- asawa at magtaguyod ng pamilya sa bansang Dubai. Sinabi niya na napakaganda daw ng pamumuhay ng mga tao roon. Maganda at moderno ang teknolohiya, maayos ang pamumuhay at higit sa lahat mura ang gasolina. Ang sarap nga siguro makarating doon. Pero sa aking pagtataka, hindi lang siya ang nagnanais nito. Marami din akong kaibigan na gusto magtrabaho sa ibang bansa. Hindi ba pumapasok sa kanilang isip na dito na lang magtrabaho sa Pilipinas?
Kung titignan napakararaming Pilipino ang nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa kanila mas marami daw na opurtunidad ang nag-iintay sa kanila sa labas ng bansa. Mas malaki daw ang sweldo, mas maganda ang benepisyo at mas magandang simula ang nag-iintay sa isang tao kapag ito ay nakapagtrabaho sa labas ng bansa. Sa katunayan ito ay totoo. Hindi maikakaila na usong uso ngayon ito. Ang mga nakapagtapos dito ng kanilang pag-aaral ay nanaisin na lumabas ng bansa kaysa manirahan dito at makapaglingkod sa bansa.
Ayon sa mga pag-aaral mas madami ngang Pilipino ang gustong lumabas ng bansa pagkatapos nila mag- aral. Kahit nga highschool graduate ay nag-aapply para magtrabaho sa ibang bansa upang maging domestic helper o di kaya construction worker. Baka nga kung titignan natin ang mga pagkaraniwang Pilipino, halos lahat siguro sa kanila ay may kamag- anak na sa ibang bansa nagtratrabaho. Halos lahat talaga mas gusto sa ibang bansa. Hindi ko din naman sila masisi. Magulo kasi ngayon sa ating Inang Bayan. Ang ating ekonomiya ay patuloy na bumababa. Pakonti konti lang ang pag-akyat sa asenso kung ikukumpara sa mga katabing bansa. At, samahan pa ito ng walang katapusang korupsyon sa pamahalaan. Dadating pa kaya ang araw kung saan kapantay na ng Pilipinas ang bansang Amerika, o di kaya ay Japan?
Napakataas ng porsyento ng mga Pilipino sa kasalukuyan ang nangangarap na mangibang bansa. Kasama dito ang mga magagaling na doktor at nars, matiyatiyagang titser, at mararangal na manggagawa. Kung lahat ng mga ito, ay pipiliin na mangibang bayan, paano kaya ang Pilipinas sa hinaharap?
Ito ang mga bagay na pumasok sa aking isip habang pinapanood ko ang balita para sa gabing ito. Tunay ngang napakaraming Pilipino ang nagnanais na lumabas ng bansa, kahit na delikado roon. Kung iisipin nga mas mapanganib pa sa ibang bansang progresibo kaysa sa Pilipinas, kasi naman dito ang mga kababayan natin madaling kausap at natural na mabait, kaysa sa mga Puti o Arabo na napakatigas ng ulo. Grabe talaga mga Pilipino, titiisin lahat para sa pamilya. Sino ba naman kasi ang gustong makita ang pamilyang naghihirap kung kaya naman magkaroon ng mas maginahawang buhay? Kaya naman ngayon, magsisimula na akong baguhin ang sitwasyon. Di ko pa alam kung ano ang aking gagawin basta alam kong iisip ako ng paraan upang mahikayat ang ating mga kababayan na manatili muna dito, para sabay sabay natin i-angat ang Pilipinas sa kahirapan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento